Natatandaan mo pa ba
ang mga alon na dumampi
sa ating mga paa at
humalik sa’ting mga labi?

Iyong mga labing
nagsambit ng mga pangako.
Sa ulap at sa dagat,
sa gabing wala ang lahat.

Sapagkat tayo lang,
tayo lang ang nakarating
sa ating paroroonan
na tayo lang din ang nakaaalam.

Ito’y nasa ilalim ng
kalahating buwan
na siyang liwanag ay
hinagkan ang ating mga mata.

Tayo nama’y nagpadala
sa ilusyong iyon.
Sapagkat iyon lamang ang
ibinigay sa’tin ng mundo.

Ngunit pinilit pa rin
natin ang lahat.
Kahit na sila’y may problema.
Kahit na tayo’y mamamatay.

Alam kong tayo’y tama
sapagkat wala namang mali
sa pag-ibig at sa
emosyong nasa ‘ting dibdib.

Napakasaya natin sa
mga buhanging iyon.
Ngunit hindi nagtagal
ay nakita nila tayo.

Natataandaan mo pa ba
nang tayo’y tumakbo
at humingi ng saklolo
sa mga along iyon?

Napakagulo ng mundo.
Nila, ng hangin, ng ating isipan
kaya’t hinawakan ko iyong kamay.
Napakagulo, ika’y bumitaw.

Kaya ako na lamang ang
kinuha ng kalawakan,
ng karagatan, na sabi mo’y
kung saan tayo lilikha ng tahanan.

Natataandaan mo pa ba
nang sinabi mo iyon?
Marahil ay hindi na
dahil nalunod akong mag-isa.

Advertisements