Tayo’y dumatal sa mundong ibabaw
Ikaw para sa’kin
Ako para sa’yo
Dito sa estrangherong mundo

Sa unang pagkakataon na tayo’y nagtagpo
Ika’y nakangiti
Ako nama’y natuwa
Dahil naapuhap ko na ang aking kasama

Binigyan kita ng hangin, ng tubig
Ikaw ay nabuhay
Ako nama’y nabawasan
Sa espesyal na relasyong ito ako’y maligaya na

Lubos mo akong naunawaan at ang aking luntian
Ika’y naging bago
Ako’y naging luma
Sitwasyong pilit kong inunawaan

Ngayon sabi mo’y mahal mo ako pero
Ikaw, sinira mo ako
Ako, pinilit na hindi magbago
Hanggang saan at kailan ba ang relasyon na ito?

Nasunog na ang buwan at nagyelo na ang araw
Ikaw, nagkalat ng abo
Ako, napuno na ng maalinsangan na dagat
Hindi dapat ngunit nais ko nang umayaw

Dumating ang basang disyerto
Ika’y nagsisi sa lahat
Ako nama’y naghihingalo na
Ngunit wala na tayong magagawa dahil iniwan na tayo ng lupa

Advertisements