Mahal,
saan ba
talaga tayo
pupunta?
Kanina habang
umuulan
sabi mo’y
handa kang
makidlatan
Ngunit
natakot ka,
kung kaya’t
gumawa ka
ng sarili mong
kapighatian

Mahal,
kailan ba
talaga tayo
aalis?
Sabi mo’y
hihintayin nating
maging pula
ang buwan
Ngunit mga
mata natin
ang siyang
nagmistulang gabi
sa sikat
ng araw

Mahal,
ano ba
talaga ang
ating kalagayan?
Isang gabi’y
ika’y aking
kahagkan at
kabahagi ng
buntong hininga
Ngayon, ako ay
tila isa na lamang
unan na maaari
mong iyakan

Mahal,
paano ba?
Paano kita
malalapitan,
hahalikan,
sasabihing wala
na ang mga
ingay sa
kalangitan
kung ako’y
nandoon na?

Advertisements