Mahaba pa
ang gabi
aking sinta.
Titiisin pa natin
ang malamig
na hangin,
at ito’y
atin pang
lalamlamin.

Marami pang
mga insekto
ang ating
maririnig.
Sila’y
nasa dilim.
Parang tayo.
Parang ang
ating mga
damdamin.

Puno pa ng
mga bato
ang buwan.
Napupuno naman
ng maputlang
liwanag ang
ating higaan.
Kung saan
tayo’y nakahiga.
Nakapikit ngunit
gising pa rin
ang diwa.

Matagal pa bago natin
masilayan ang
tunay na init
ng kalawakan.
Mabibingi muna tayo
sa katahimikan.
Mabubulag muna tayo
sa kadiliman.

Tayo’y mapapagod
muna sa haba ng gabi.
Hihintayin nating
maging asul ang
liwanag ng buwan.
Tatahakin pa natin
ang nag-iisang
daan.

Tungo sa
pagtanggap.
Tungo sa
pag-ibig na
ating inimbentong muli.
Tungo sa buwan
na lumilikha
ng sarili nitong
kaluwalhatian.

Advertisements