Parang tayo
ang mga daan
na patungo
sa siyudad.
Magulo,
paikot-ikot,
walang isang
patutunguhan.

Parang tayo
ang gusaling
itinayo sa
lupain na
walang mga tao.
Umiiral,
ngunit walang
ibang nakaaalam.

Parang tayo
ang eroplanong
nasa pinakamababa
ang lipad.
Nanggaling sa taas,
sa huli tayo rin
ay babagsak.

Parang tayo
ang mga ilaw dagitab
sa eskinitang
laging nadadaanan.
Nagbibigay
liwanag.
Namamatay sa
sikat ng araw.

Parang tayo
ang sinasambit
ng ating mga labi.
Isang ilusyon.
Kasinungalingang
patuloy pa rin
nating pinaniniwalaan
at hinahagkan
kasabay ng buwang
nawala na
sa kalawakan.

Parang tayo
ang lahat.
Parang hindi
na tayo ang lahat.
Parang hindi
talaga tayo.
Hindi na
tayo.
Nawala na
ang ikaw
at ako.

Advertisements