Tumingin ka sa kalawakan
at nakita mo ang
napakaraming bituin.

Walang mga ulap sa langit,
ngunit hindi ibig-sabihin
ay wala na ring
panganib na darating.

Ngayong gabi ba?
Hindi mo alam,
walang sinuman.

Ang alam mo lang,
at ang madaming tao
sa likod ng mga pintuan,
ay ang gabi ay mapayapa.

Ngunit iba na
ang kinang ng mga tala.
Iba na ang mukha
ng dating maaliwalas na buwan.

Puti ang ilaw
sa iyong tahanan.
Pula na ang paa
ng mga ilaw dagitab.

Tahimik, sobrang tahimik.
Narinig mo ba iyon?
Marahil ay hindi,
dahil pinili mong manahimik.

Ikaw ay nakahiga.
Sila rin naman,
nakahandusay, naghihintay.
Ano ang nangyari sa kanila?

Tumingin kasi sila sa langit.
Nakita ang mga bituin.
Hindi lang nila alam na
darating ang ulap sa kanila.

Dala nito ang ulan ng
pang-aabuso,
panghahamak,
at panghuhusga.

Bubuhos ang ulan
sa ating lahat.
Pagkatapos ay tatanungin mo ang sarili,
“Wala na ang mga ulap, hindi ba?”

Ngunit hindi.
Nakatingin ka lamang kasi
sa itaas, sa kalawakan.
Hindi mo naisip na tingnan
ang ibaba, ang kalupaan,
pati na rin ang iyong isipan.

0818172335

Advertisements